Noynoy Aquino's speech before filing for candidacy, Nov 28 2009

Napansin ko po, hindi nababati ng maayos ang ating mga kasanggang matibay tulad ni Mayor Lim, na nandito po sa entablado.

Nandiyan po si Mayor Aro Mendoza ng Tarlac City!

Nandiyan po si Vice Governor Mark Leviste ng Batangas, matanda lang po ng konti sa akin yan.

Alam ho ninyo ang problema ko, ay mahaba-haba sana yung sasabihin ko sa inyo. Tapos sabi sa akin, paki bilisan ninyo one minute lang kayo at baka magsara yung Comelec.

Ito po ang listahan ng babatiin ko halos naging baliktaran sa papel, tsaka ko na po kayo babatiin kapag mas mahaba ang oras.

Simple lang po ang mensahe natin itong araw na ito:

Diyan po sa Manila Cathedral, tatlong buwan pa lang po halos ang lumipas noong atin pong ina ay nandiyan at dadalhin na po sa huling hantungan. Marami pong problema na bumabalot sa aking kaisipan. Unang una na ho doon, wala na po ang ating pinuno, paano kaya natin maibabalik sa liwanag ang ating bansa? Kulang siguro sa tulog kaya’t hindi ko nakita kaagad yung mga sagot.

Nakita po natin yung apat na sundalo nandoon sa taas ng truck. Sila ho ay hindi magkakasama sa isang unit at tsaka yung isa po ay miyembro ng kapulisan. Sila ho ay hindi nagtraining para sa trabahong iyon na sinabihan silang siyam na oras kayong hindi puwede kumilos. Pero yung Pilipino ho, tulad noong apat na iyon, bigyan lamang ng pagkakataon, maliwanag kung ano ang tama, gagawin ang tama – yun po ang solusyon natin.

Itong araw pong ito ihahain natin yung ating certificate of candidacy. Ito po siguro ang unang hakbang sa huling yugto ng ipinaglalaban natin. At ano nga ba ang pinaglalaban natin? Kapag tayo po, sa tulong ninyo, ay pinalad, yung pataba po, ang tataba halaman hindi na po yung mga tiwaling kawani ng gobyerno.

Magkakaroon din po ng sistema ng gobyerno na hindi nagpapahintulot o nakapapayag ng nangyaring karumaldumal na nangyari sa Maguindanao, hindi na po pupuwede iyan. Magkakaroon na tayo ng katiyakan na kaparusahan kapag may nilabag ka sa batas natin, iyan po ay itaga na natin sa bato.

Ipinaglalaban din po natin na lahat ng Pilipinong gustong matuto, may pagkakataon para matuto. Ang Pilipinong gustong magkaroon ng trabahong may dangal, magkakaroon ng trabahong may dangal.

Ang Pilipino pong may karamdaman, aarugain ng estado, obligasyon po iyan ng estado. Lahat po iyan, kaya nating makamtan, dahil ako po ay naniniwala sa bansa po natin. Sa singkuwentang porsyento na binubungkal na lupa, hindi ho tamang may nagugutom sa Pilipinas. Kailangan lang po gawin natin yung tama, babawasan natin ng babawasan ang nagugutom at talagang papunta na tayo sa kasaganaan, dahil gagawin po natin ang tama.

Malapit na po tayong senyasan. Baka sabihin sa atin ay malapit na ang lunch break sa Comelec.

Ang importante lang po sa akin na maiwan sa inyo sa araw na ito ay isang bagay:

Yung mga kalaban natin ang daming ipinagyayabang. Lahat na po sila ay ipinagsama-sama ko na. Pare-pareho silang gusto pa ring ipagpatuloy ang paglilinlang, yung pandaraya. Ang sagot ko lang sa kanila: Sige na pumutak na kayo ng pumutak. Sige na magtext brigade na kayo, mag-internet pa kayo. Sige na bilhin na ninyo ang lahat ng commercial na puwede ninyong bilhin.

Pero ang taong bayan, sa akin pong pananaw ay gising na, mulat na at sawa na sa inyo!

Papasalamatan ko nalang ho kayong lahat.

Mga kapatid, talagang noong iniisip natin ito, ang dami kong problemang nakikita sabi ko, “Paano nga ba natin malalaktawan iyan?”

At yung sagot po pabalikbalik, simple lang pala, habang nandiyan ang taong bayan maski anong problema kaya nating laktawan. Ang tagumpay po buwan na lang ang pinag-uusapan, ke nandoon ako, ke wala ho ako dito, sigurado po ako itong ating krusada, magpapatuloy at magtatagumpay dahil lahat po kayo ay nandito.

Kaya’t magandang umaga pong muli at maraming salamat sa inyo!

Noynoy Aquino signs his certificate of candidacy


source: Noynoy.ph

 

Philippine 2010 Election News and Updates ::Automated Election ::Issues and Propaganda ::Campaign Updates

Philippine Election 2010 Copyright © 2009 Gadget Blog is Designed by Ipietoon Sponsored by Online Business Journal